PublicTrending


0

Isinailalim na sa terror alert level 3 ang buong bansa matapos ang pagkakaaresto sa dalawang hinihinalang terorista na nasa likod umano sa tangkang pambobomba malapit sa US Embassy sa Maynila.

Nagpaliwanag si PNP chief Director General Ronald dela Rosa, na dahil sa full alert status, asahan na ng publiko ang mas mahigpit na pagpapatupad ng seguridad lalo na pagsasagawa ng mga random at mobile checkpoints.
Payo naman ng heneral sa publiko na maging alerto, vigilant at mapagmasid subalit huwag mag-panic.

Aniya, walang dapat ikabahala ang publiko kahit nakataas sa terror alert level 3 ang buong bansa.

Humingi rin naman ng paumanhin si Dela Rosa dahil nalusutan sila ng mga terorista kahit naka-full alert ngayon ang PNP.

May inilabas na ring direktiba si Dela Rosa sa mga regional police directors na palakasin pa ang seguridad sa mga highly urbanized cities sa buong bansa.
Samantala, iprinisinta ni Dela Rosa sa mga miyembro ng media ang dalawa sa limang suspek na sangkot sa tangkang pagpapasabog sa Roxas Boulevard malapit sa US Embassy nitong nakalipas na Lunes.

Kinilala ni Dela Rosa ang dalawa na sina Rayson "aka Rasid" Kakilala at Jiaher Guinar.

Ani PNP chief, si Rashid ay balik Islam at isang religious preacher sa bahagi ng Bulacan na siyang tumanggap ng improvised explosive devise (IED) habang si Guinar ang siyang itinalagang trigger man.

Inamin daw mismo ni Rasid na unang target sana nila ang Luneta Park pero nakonsensiya ito dahil maraming sibilyan ang magiging casualties kung kaya't inilipat nila sa malapit sa embahada ng Amerika.


Kinumpirma rin ni Dela Rosa na ang tatlong kasamahan ng dalawang suspek ang siyang nagbiyahe ng IED mula sa Central Mindanao patungong Metro Manila.

Ang Ansar Khalifa terror group ay may direktang ugnayan daw sa Maute terror group na siyang sentro ng operasyon ng militar sa Lanao del Sur.

Sa ngayon hina-hunting na ng PNP ang tatlo pang kasamahan nina Rasid at Jiaher na pinaniniwalaang nakabalik na ng Marawi.

Loading...

Post a Comment

 
Top