PublicTrending


0

Panibagong paglilitis sa pagpatay kay Ninoy ‘di posible – Gonzalez November 23, 2007 8:52pm

Ipinagkibit-balikat ni Justice Secretary Raul Gonzalez nitong Biyernes ang balita na magkakaroon ng panibagong paglilitis tungkol sa pagkamatay ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. matapos magbigay ng bagong impormasyon sa kaso ang isa sa mga suspek sa krimen.

Nauna nang itinuro ng bagong-layang si dating Master Sgt. Pablo Solomon Martinez ang negosyanteng si Eduardo “Danding” Cojuangco na mastermind ng pagpaslang kay Aquino may 24 taon na ang nakararaan.
Ayon kay Gonzalez, maliit ang tsansang tanggapin sa panibagong pagdinig sa kaso ang ebidensiyang ibinunyag ni Martinez.

“But it’s still very slim (new trial) because of prescription and Martinez’s statement maybe rejected as newly discovered evidence,” pahayag ni Gonzalez.

Nagbabala si Gonzalez na maaaring pagdudahan ang sinabi ni Martinez.

“Why only now he said all these matters when prescription has already stepped in. He should have said this matter long before, or during the trial of the case,” sinabi ng kalihim.

Iginawad ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang executive clemency kay Martinez matapos nitong marating ang edad na 70. Alinsunod sa batas, ang sinentensyahan na tumuntong sa edad na 70 ay maaari nang patawarin ng Pangulo.

Si Martinez ay kabilang sa 15 sinentensyahan sa pagpatay kina Aquino at Rolando Galman sa tarmac ng noo’y Manila International Airport noong Agosto 21, 1983.

Para kay Gonzalez, na tumayong Tanodbayan sa Aquino-Galman trial, ang “prescription” ang pangunahing hadlang upang idawit si Cojuangco bilang bagong akusado sa krimen. 
Bukod kay Martinez, ang iba pa sa mga sinentensyahan ay sina dating Capt. Romeo Bautista; dating 1st Lieutenant Jesus Castro; mga dating seargents na sina Rodolfo Desolong, Filomeno Miranda, Claro Lat, Ernesto Mateo, Arnulfo Artates, Rolando de Guzman, Ruben Aquino, Felizardo Taran, Arnulfo de Mesa, Rogelio Moreno, at Mario Lazaga.

Pumanaw na noong nakaraang taon ang ika-15 sinentensiyahan na si Cordevo Estelo.

Samantala, inihayag pa ni Gonzalez na kwalipikado na rin sa pardon ang iba pa sa mga nakapiit na suspek sapagkat natapos na nila ang minimum prison term.

Subalit nilinaw ni Gonzalez na sa kanyang pananaw lamang ang pahayag ng pagbibigay ng panibagong pardon sa mga suspek.
“I would think that they are already qualified for pardon for having served their minimum jail term,” sinabi niya sa mga mamamahayag.

Pinayuhan niya rin ang pamilyang Aquino, lalong lalo na si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III, na huwag madismaya sa pagpapatawad ng Pangulo kay Martinez.

“Pardon is a constitutional power of the President and they should fully know about it in as much as their family has a former president,” paliwanag ni Gonzalez. – Mark J. Ubalde, GMANews.TV

Loading...

Post a Comment

 
Top