PublicTrending


0

Walang-duda na ang RECESS ang isa sa mga pinakaaabangang oras sa eskuwelahan. Sabi nga ng karamihan, ito ay sunod sa P.E. bilang "favorite subject" ng mga mag-aaral. Kapag pagkain na ang usapan, tapos na ang laban.

Sa pagsapit ng recess, naglalabasan sa mga lunch boxes ang mga snacks na paborito ng mga bata - mga pagkaing dahilan kung bakit mas magana silang pumasok. Sa kabila ng ganitong eksena ay mayroon din namang mga estudyanteng walang baong pagkain pero may mga bulsang puno ng perang galing sa kanilang mga tamad na nanay na hindi sila kayang asikasuhin.

Sa isang pampublikong paaralan tulad ng pinasukan kong Mababang Paaralan ng Kampo Krame, ang isa sa mga hindi malilimutang snack (kung ito ay matatawag ngang ganun) ay ang NUTRIBUN o mas kilala sa pagbikas na "nutriban".

Konting flashback para sa ibang hindi nakakakilala sa tinapay na ito. Ang totoo, hindi ko alam kung may itinitinda pang mga nutriban ngayon sa mga paaralan. Wala akong makita sa internetz ng tiyak na kasaysayan ng pagkaing ito pero ayon sa mga nakatatanda, ang nutribans ay ang solusyon para matugunan ang pangangailangan sa maayos na nutrisyon sa mga paaralan noong mga unang taon ng dekada setenta kung kailan nagkaroon ng malaking krisis ang ating bansa sa pagkain. Ang mga tinapay na ito ay gawa sa mga sangkap na donasyon mula sa mga bansang USA, Canada, at Australia. Noong una ay libre itong ipinamimigay sa mga paaralan pero nang lumaon ay ibinenta rin sa mas murang halaga. Kasing-laki raw ito ng monay na kasing-laki naman daw ng apat na pandesal.

Hindi ko alam kung ang nutriban na naabutan ko noong ako ay bata pa ay ang nutriban ding natikman nina erpats at ermats noong administrasyon ni idol Makoy.

Ano ba ang memories ko sa tinapay na ito?


NAPAKARAMI. Ito lang naman ay naging parte ng buhay-estudyante ko mula Grade 1 hanggang sa ako ay makapagtapos sa elementarya. Araw-araw na ginawa ni Bro, hindi siya nawawala sa canteen tray na inilalako sa bawat classroom. Kahit na nakapiring ako ay alam ko kung papakainin ako ng potang tinapay na ito dahil alam na alam ko ang lasa nito.

Hindi kami pinapalabas ng silid kapag recess kaya may rasyong inihahatid ang canteen sa bawat section. Sa isang classroom, ang bilang na mag-aaral sa isang silid ay nasa kuwarenta noong panahon ko at sa isang canteen tray ay nandoon ang dalawampu't apat na piraso ng nutriban (isang dosena kada plastic). Maraming tindang puwedeng bilhin tulad ng nilagang itlog, nilagang saba, mga kakanin at iba pang mga nutrilicious na pagkain. Malayang nakakabili ng kung ano ang gusto ng bawa't isa pero panay ang paalala ni teacher na HINDI PUWEDENG MAY MATIRANG NUTRIBAN. Bawal. Isang kasalanan. Hindi ko alam kung bakit. Madali sigurong mapanis sa loob-loob ko.

"Class, may natira pang mga nutribans dito, bilhin niyo na. Masarap ito..."

Kapag ganito na ang banat ni ma'am, dedma na ang lahat - may yumuyuko, may tumitingin sa bintana, may biglang nagsasabi ng "Ma'am, may I go out?". Alam naman ng guro namin kung bakit ganito ang scenario. Alam niya kasing sawang-sawang-sawang-sawang-sawa na kami sa lasa ng walang kuwenta tinapay ng eskuwelahan.

Ang malufet nito, kapag patay-malisya lang ang lahat ay ipapautang na ito ng sapilitan sa makukursunadahang estudyante ni teacher. Kapag minalas-malas ka nga naman ay wala kang magagawa kung hindi ang magpauto. Bukas nalang ang bayad o kaya kahit two-gives basta bilihin mo lang ang natirang limang nutribans. Kapag sa akin napapautang ito ay pumapayag nalang ako. Kunwari ay kakain ako ng isa pero ipamimigay ko sa mga katabi ko 'yung iba. Mas malas ka kung ayaw rin nilang tanggapin!

Ang sabi ng aming mga guro, ang nutribans daw ay pampatalino at pampalakas. pampaguwapo at pampaganda. Pampabait at pampasaya.

Pero kahit na gaaano kaganda ang pagpapakilala sa bread na ito, mahirap talaga siyang lunukin kapag nauumay ka na. Isama mo pa rito ang mga experiences mo sa mga buhok na madalas mong manguya mula sa tinapay; 'yung mga insektong sabi nila ay kuto (korean bug sa iba) ng mga lumang harina; at mga kuwentong habang ginagawa raw ito ay napapatakan ng pawis mula sa kili-kili ng panaderong nagmamasa ng harina nito. Ang sarap kainin,'di ba?

Saan ba gawa ang nutriban? Noong maubos na ang mga donasyong imported na mga harina, wala na ang nakaalam kung ano ang pangunahing sangkap nito. Sabi nila, gawa daw ito sa giniling na soya. Hmmm, kaya pala ito ang ipinatatanim sa aming gardening. Hindi namin alam kung saan napupunta 'yung mga inaani naming soy beans.

Para maibenta ang mga nutribans ay nakaisip ang canteen na gawin itong katakam-takam. Iba-iba ang klase nito kada araw. Lunes ay may pahid itong Star Margarine sa ibabaw. Martes, Star Margarine na may budbod ng second class na asukal. Mabenta ang unang dalawang araw dahil marami sa amin ang gustong tumangkad. Miyerkules ay may pahid ng kondensadang gatas na binudburan ng Milo. Matamis na bao naman kapag Huwebes. Special ang Biyernes dahil may pahid ito ng peanut butter na nabibili ng kilo-kilo sa palengke. Kapag wala sa mood si Manang Canteen ay "plain" lang ang pinapadalang rasyon. Paksyet, kailangan mong bumili ng sopas na malamig para may sawsawan ka ng walang-kuwentang tinapay na lasang amag! Para-paraan lang.

Noong ako ay bata, pinapakain kami ng nutribun sa eskwelahan. Tingin ko, isa ito sa mga pagkaing nagbigay ng talino sa henerasyong kinabibilangan ko. Hindi tulad ngayon na instant noodles lang na punung-puno ng Ajinomoto ang ihinahain!

Loading...

Post a Comment

 
Top